Genesis 15:9-21
Ang Biblia, 2001
9 At sinabi sa kanya, “Magdala ka rito ng isang dumalagang bakang tatlong taon ang gulang, isang babaing kambing na tatlong taon ang gulang, isang lalaking tupang tatlong taon ang gulang, isang inakay na batu-bato, at isang inakay na kalapati.”
10 Dinala niya ang lahat ng ito sa kanya at hinati niya sa gitna, at kanyang inihanay na magkakatapat ang isa't isa subalit hindi niya hinati ang mga ibon.
11 Nang bumaba ang mga ibong mandaragit sa mga bangkay, ang mga iyon ay binugaw ni Abram.
12 Nang(A) lulubog na ang araw, nakatulog si Abram nang mahimbing; isang makapal at nakakatakot na kadiliman ang dumating sa kanya.
13 Sinabi(B) ng Panginoon kay Abram, “Tunay na dapat mong malaman na ang iyong binhi ay magiging taga-ibang bayan sa lupaing hindi kanila, at sila'y magiging mga alipin doon, at sila'y pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon;
14 ngunit(C) ang bansang kanilang paglilingkuran ay aking hahatulan; at pagkatapos ay aalis sila na may malaking ari-arian.
15 Subalit ikaw ay payapang tutungo sa iyong mga ninuno, at ikaw ay malilibing sa panahong lubos na ang iyong katandaan.
16 Sa ikaapat na salin ng iyong binhi, muli silang babalik rito sapagkat hindi pa nalulubos ang kasamaan ng mga Amoreo.”
17 Nang lumubog na ang araw at madilim na, isang hurnong umuusok at ang isang tanglaw na nagniningas ang dumaan sa gitna ng mga hinating hayop.
18 Nang(D) araw na iyon, ang Panginoon ay nakipagtipan kay Abram, na sinasabi, “Ibinigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi, mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, ang Ilog Eufrates,
19 ang lupain ng mga Kineo, Kenizeo, at ng mga Cadmoneo,
20 ng mga Heteo, Perezeo, at Refaim,
21 at ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo, at ng mga Jebuseo.”
Read full chapter